22 Oct 2018

Karapatan sa Pagkain! Ipaglaban sa Halalan!

Ngayong ika-16 ng Oktubre, dinaraos ang Pandaigdigang Araw ng Pagkain o ang World Food Day. Sa taong 2018, hinihikayat ang mga pamahalaan at mga mamamayan na gumawa ng mga konkretong hakbang upang sugpuin ang kagutuman at makamit ang kasiguraduhan sa pagkain (food security). Sa Pilipinas, nataon sa World Food Day ang paghahain ng Certificates of Candidacy (COC) ng mga naghahangad tumakbo sa halalan ng 2019.

Dahil dito, kaming mga miyembro ng #Vote4FoodSecurity Coalition mula sa hanay ng magsasaka, mangingisda, katutubo, maralitang tagalungsod, kababaihan at mga Civil Society Organizations (CSOs) ay tutungo sa harap ng Commission on Elections (COMELEC) upang magsagawa ng JOBS FAIR at ipanawagan sa mga botante at mga kandidato:

Karapatan sa pagkain, ipaglaban! Politikong gahaman, labanan!

Sa pagkakataong ito, nagtayo ang mga batayang sektor ng isang CANDIDATES Application Booth upang tumanggap ng mga aplikanteng kandidato at ilatag dito ang mga batayan ng mga kandidatong karapatdapat na magpasa ng kanilang COC at iboto sa Halalan 2019.

Sa pagtingin ng #Vote4FoodSecurity Coalition, ang mga sumusunod na katangian ng isang kandidato ang dapat iwasan at hindi na dapat manalo sa halalan:

  • MAY NEGOSYONG KONTRA KALIKASAN (tulad ng Minahan, Quarry, Logging, Plantasyon)
  • SUMISIRA SA SAKAHAN, KAGUBATAN, KATUBIGAN at NANG-AAGAW NG LUPANG NINUNO at SAKAHAN
  • ISINUSULONG ANG MGA MALALAKING PROYEKTONG MAPANIRA
  • MAY "CONFLICT OF INTEREST"
  • NEGOSYANTENG MAPANLINLANG SA KONTRATA
  • NILALAPASTANGAN ANG KARAPATANG PANGTAO
  • BERDUGO NG MGA "HUMAN RIGHTS DEFENDERS"
  • YUMUYURAK SA DIGNIDAD NG KABABAIHAN
  • MAGNANAKAW NG KABAN NG BAYAN
  • NAGKAKALAT NG KASINUNGALINGAN
  • MABABA ANG PAGTINGIN SA KAKAYANAN NG BATAYANG SEKTOR

Kawalan ng seguridad sa pagkain, pagyurak sa dignidad ng tao
Ayon sa John J. Carrol Institute of Church and Social Issues (JJCICSI), "Turo ng Simbahan ang mapalaganap ang dignidad ng tao, at ang kawalan ng seguridad sa pagkain ay isang pagyurak sa prinsipyong ito. Hindi karapat-dapat na mailuklok bilang mambabatas o sa ehekutibo ang kandidatong walang pagsaalang-alang sa pagkakaroon ng sapat na pagkain para sa kalakhan."

May 103 milyon na populasyon ngayon ang Pilipinas kung saan ang mga magsasaka, mangingisda at katutubo ang pinakamahihirap. Sinabi ng National Economic and Development Authority (NEDA) na mas makabubuti na mag-imbak na lamang ng bigas mula sa mga karatig-bansa. Hudyat ito na hayag nang binabalewala ang agrikultura, ang kabuhayan ng maraming mahihirap sa Pilipinas.

"Ipinunto ni Maria Rosario Felizco Country Director ng Oxfam sa Pilipinas: "Masyado nang maraming magsasaka, mangingisda at manggagawang Pilipino- silang pinagmumulan ng ating pagkain-ang nagdurusa dahil sa kagutuman at di makaturungang kalagayan sa trabaho. Lalong-lalo na ang mga babae, madalas ay mas maliit ang kanilang kinikita para sa parehong gawain. Hindi ito tama, kailangang matigil ito. Kailangang ibsan ang pagdurusa ng mga taong nasa likod ng ating pagkain."

Randam na randam din ito ng mga batayang sektor sa gitna ng napakaraming banta sa kanilang karapatan sa lupa. Panawagan ng grupo sa mga botante na huwag suportahan ang mga pulitikong kilalang-kilala na sa pagconvert ng sakahan, pagsulong ng minahan, pagpapatupad ng dambuhalang mga proyektong di makatao (katulad ng dam), pagkamkam sa lupang ninuno, marahas na demolisyon at pagpapalayas sa mga maralita, paglilinlang sa magsasaka at katutubo na pumasok sa mga abusadong kontrata, at paninira ng kalikasan. Ang mga gawaing ito ang ugat ng kakulangan ng pagkain sa Pilipinas.

Ayaw namin sa kandidatong may "CONFLICT OF INTEREST"!
Marapat na kilalanin ang mga kandidato. Ang gusto ng mga batayang sektor ay kandidatong may track record na makatao, maka-magsasaka, maka-mangingisda, maka-katutubo, maka-kababaihan, maka-maralitang tagalunsod. Ang gusto ng mga batayang sektor ay kandidatong hindi nakatali sa sinumang pulitiko, negosyante o korporasyon lalong-lalo na sa naninira sa sakahan at kalikasan.

Halimbawa na lang ang matagal nang nakabinbin na National Land Use Act (NLUA). Pinipigilan ng ilang mambabatas ang pagpasa nito bagaman isa sa hangarin nito ang pigilan ang malawakang pag "convert" ng mga sakahan upong siguruhin ang pagkukunan ng pagkain ng sambayanang Pilipino.

"Kahit marami nang nasawi sa kalamidad dala ng pagbabaha at landslide, hindi pa rin naisusulong ang batas na sana'y batayan ng pagtatalaga ng mga ligtas na lugar para sa paninirahan. Hindi umuusad ang NLUA sa Committee on Environment and Natural Resources sa Senado dahil sa conflict of interest ng mga mambabatas," saad ni Anthony Marzan ng Campaign for Land Use Policy Now (CLUP Now).

Karugtong nito ang pagkaudlot ng pagpasa ng Coco Levy Bill at pagpapalabnaw ng mga linalaman nito dahil sa conflict of interest ng mga mambabatas. Kaya't panawagan ng Kilos Magniniyog: "Magkaisa tayo, indibidwal man, grupo o organisasyon para sa iisang tunguhin sa pagbawi ng Coco Levy sapagkat para ito sa ating mga magsasaka sa niyugan para sa ating mga mahihirap. Tayo ang nagpagal, tayo ang nagpawis sa atin tumulo ang hirap at dugo."

Pagkaipit din ang naging kinahinatnan ng maraming mga batas ukol sa kasiguraduhan sa pagkain katulad ng pagpapatuloy sa pag-issue ng Notice of Coverage para sa repormang pansakahan at Crop Insurance Bill; at mga batas ukol sa pangangalaga sa kalikasan katulad ng Alternative Minerals Management Bill, Forest Resources Bill, at Indigenous Community Conserved Areas Bill.

Ayon naman kay Atty. Victoria Caranay, Legal Officer ng IDEALS Inc., "Isinusulong namin ang agarang pagpasa ng HB 5085 o ang Agribusiness Ventures Agreements Bill (AVA) upang ipagtanggol ang mga maliliit na magsasaka at ang hangarin ng repormang pansakahan na lupa para sa nagsasaka. Patuloy ang panloloko ng mga dayuhang korporasyon at nangangalakal sa mga tulad ng mga magsasaging sa Compostela Valley na ilatag ang presyo ng walang alintana sa gastos ng mga magsasaka sa produksyon at sa nananaig na presyo sa merkado. Kinukulong din ng mga abusadong kontratang ito ang kalayaan ng mga magsasaka magtanim ng mga pangaraw-araw na pagkain."

Karapatang Pantao, Ipaglaban!
Gusto ng mga batayang sektor ng kandidatong may paggalang sa karapatang pantao. Tinatatwa namin ang mga kandidatong pumapatay, lalo na ang pumapatay sa mga tagapagtanggol ng lupa, kagubatan at katubigan. Tatalikuran namin ang kandidatong yumuyurak sa dignidad ng mga kababaihan at mga nagnanakaw sa kaban ng bayan.

Bagkos, ang pulitikong gahaman, mamatay-tao at mapanira ay hindi karapat-dapat ihalal!

Sa kabila ng lahat, sabi ni Nang Conching, isang katutubong Dumagat mula sa General Nakar, Quezon Province, "Ang aming mga buhay na karanasan ang nagdadala sa amin upang kami ay manindigang totoo. Ang panawagan namin ay manindigan tayo [upang maprotektahan ang mga katutubo at lalong higit mapangalagaan ang kalikasan]. Sama-sama po tayo sa paniniwalang kakayanin natin ito. "

Tama na ang paghalal sa mga nagpapanggap na para sa tao, bagkus, puro pahirap sa tao ang ginagawa. Kilalanin ang napakahalagang papel ng mga magsasaka sa seguridad ng bigas at ibang pagkain ng bansa at ang mangingisda sa pangisdaan. Pahalagahan ang ginagawa ng mga katutubo na pangangalaga sa kalikasan. Itaguyod ang karapatan ng maralitang tagalungsod sa maayos na kabahayan at kabuhayan. Igalang ang mga kababaihan at isulong ang kanilang karapatan.

Ating pakinggan ang tinig ng mga batayang sektor ngayong Halalan 2019!

-

Campaign for Land Use Policy Now! (CLUP Now!), Kaisahan tungo sa Kaunlaran ng Kanayunan at Repormang Pansakahan (KAISAHAN), Asian NGO Coalition (ANGOC), Pambansang Kilusan ng mga Samahan sa Kanayunan (PKSK), Kilusang Magniniyog, Alyansa Tigil Mina (ATM), Pambansang Kilusan ng mga Samahan Magsasaka (PAKISAMA), Philippine Partnership for the Development of Human Resources in Rural Areas (PHILDHRRA), Center for Agrarian Reform and Rural Development (CARRD), OXFAM, People's Campaign for Agrarian Reform Network (AR Now!), John J. Carrol Institute of Church and Social Issues (JJCICSI), Alternative Law Groups (ALG), International Land Coalition - National Engagement Strategies (ILC-NES), Philippine-Misereor Partnership, Inc. (PMPI), FOCUS, IDEALS, Inc., We Effect


kaisahan

tungo sa Kaunlaran ng Kanayunan at Repormang Pansakahan
38-B Mapagsangguni St. Sikatuna Village, Quezon City 1101 PHILIPPINES

+632 433 0760
+632 921 5436

[email protected]

Social

Questions? Comments?

Copyright © 2021 kaisahan.com.ph
Website designed and developed by MagisSolutions Inc.